Ganting Galaw sa mga Teoryang Pampanitikan


Teoryang Queer

Girl, Boy, Bakla, Tomboy

ni Noel Lapuz






Natutunan:

        Ang akdang "Girl, Boy, Bakla, Tomboy" ay isang sanaysay na isinulat ni Noel Lapuz. Ito ay tungkol sa pagkakaroon ng ikatlong kasarian. Makikita sa akdang ito ang diskriminasyon sa mga tomboy at bakla. Ipinapakita sa sanaysay na ito na maging mulat tayo sa diakriminasyong nagaganap sa lipunan lalong lalo na sa mga ikatlong kasarian; dapat nating iwasan ang diskriminasyon sa kapwa. Ang natutunan ko sa akdang ito ay dapat igalang at respetuhin ang sinuman, maging bakla, tomboy o anuman ang kanyang kasarian. Dapat nating maintindihan na sila'y tao lang at di natin dapat husgahan pagkat katulad natin sila'y mayroon ding nararamdaman.

Reaksyon:

        Angkop na angkop ang tema ng kwentong ito sa teoryang nakaatas sa mga taga-ulat. Ang pananaw ng teoryang ito ay ilahad ang mga tunay na pangyayari sa ating lipunan lalong lalo na ang talamak na diskriminasyon sa ikatlong kasarian. Ipinapaabot nito sa mambasa kung bakit dapat nating bigyan ng pantay na pagtingin ang bawat kasarian. Layunin ng panitikang ito na isulong ang pagkakapantay-pantay ng karapatan; at upang labanan ang diskriminasyon sa mga LGBT o yung mga nabibilang sa ikatlong kasarian tulad ng bakla at tomboy.






Teoryang Klasisismo

Ang Tondo Man ay May Langit Din

ni Andres Cristobal Cruz


Natutunan:

        Ang akdang ito ay isang maikling kwento kung saan ipinapakita ang isang payak na daloy ng kwento. Ito ay nakatuon estado ng dalawang taong nag-iibigan at ipinapakita rito na hindi hadlang ang pagkakaiba ng estado sa  buhay taong tunay na umiibig. Natatalakay rin sa kwentong ito ang pagtitimbang-timbang puso't isipan sa paggawa ng isang malaking desisyon sa buhay. Kagaya ng ginawa ng pangunahing tauhan sa kwento na sa huli mas sinunod niya ang isipan dahil napagtimbang-timbang niyang iyon ang mas nakabubuti hindi lamang sa kanyang sarili kundi pati na rin sa ikabubuti ng nakararami.

Reaksyon:

        Napakaganda ng akdang ito dahil ipinapakita rito ang mabuting katangian ng Tondo na inakala nating puro kasamaan at karupukan lang ang nandito. Para sa akin ang kwentong ito ay angkop sa teoryang Klasisismo dahil ito ay nakapukos sa dalawang taong nag-iibigan at payak lamang ang takbo ng mga pangyayari sa kwento. Kagaya nga karaniwang mga kwento, ang mga tauhan ay dumadaan sa mga pagsubok ngunit sa bandang huli ay sila parin ang magkakatuluyan. Angkop sa teoryang ito ang kasabihang "Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy". Ayon nga sa depinisyon nga teoryang ito, ang layunin ng panitikang ito ay maglahad ng mga pangyayaring payak, ukol sa pagkakaiba ng estado sa buhay ng dalawang nag-iibigan, karaniwan ang daloy ng mga pangyayari, matipid at piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos nang may kaayusan.







Teoryang Naturalismo

"Walang Panginoon"

ni Deogracias Rosario




Natutunan:

        Ang akdang ito ay isang maikling kuwento. Ito ay tungkol sa paghihiganti ng isang tauhang inaapi at inagawan ng lupang sa kanila naman talaga. Nais niyang maghiganti nang hindi dinudungisan ang kanyang kamay. Kaya ang kalabaw ang ginamit niyang paraan upang makaganti siya. Ang natutunan kong mahalagang aral na mapupulot sa kuwento ay hindi tama na mang-api sa kapwa at huwag maging gahaman sa kayamanan. Hindi rin dapat magtanim ng galit sa kapwa, at hindi dapat maghiganti dahil ito'y nagdudulot din ng kapahamakan sa ating kapwa.

Reaksyon:

        Para sa akin, angkop ang kwentong "Walang Panginoon" sa teoryang  (Teoryang Naturalismo) nakaatas sa mga taga-ulat. Dahil ayon sa pananaw ng Teoryang Naturalismo, ang buhay ay tila isang marumi, mabangis at walang awang kagubatan.  Ito rin ay may pagkakatulad sa Teoryang Realismo ngunit ito ay ang pinakamashidhing katangian ng teoryang Realismo sapagkat ang mga tauhan dito ay nagtataglay ng masisidhi at hindi mapigil na damdamin kagaya ng pagkapoot o matinding galit.






Teoryang Realismo

"Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino"

ni Eros Atalia



Natutunan:

        Ang kwentong ito ay tumatalakay sa realidad o tunay na nangyayari sa lipunan. Ipinapahayag rito na ang kahirapan ang siyang nag-uudyok sa isang tao upang gumawa ng masama na tinatawag nilang "kapit sa patalim". Ang aral na aking natutunan sa kwento ay huwag kaagad manghusga tao. Sapagkat may malalim na dahilan ang bawat bagay na ginagawa ng isang tao, kagaya na lang ng mga tauhan sa kwento kung saan kumakapit sila sa patalim gaya ng pagnanakaw, pagbebenta ng iligal na droga at prostitusyon. Ito ay kanilang ginagamit na paraan upang itawid ang kanilang pamilya sa gutom. Ngunit, nasa ating sarili ang pagpapasya sa landas na ating tatahakin dapat isaisip natin na ang mga masasamang gawain ay may katambal na kapahamakan.



Reaksyon:

        Para sa akin, angkop ang kwentong ito sa teoryang pampanitikan. Dahil ito ay sumasalamin sa realidad at alam naman natin na ito ay talagang nangyayari sa ating lipunan. Layunin ng panitikang ito na ipakita ang mga karanasan at nasaksihan ng may akda sa kanyang lipunan. Samakatwid, ang panitikan ay hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo sapagkat isinaalang-alang ng may akda ang kasiningan at pagka-epektibo ng kanyang sinulat. Sa kabilang banda, kung ating pagtutunan ng pansin ang isang tauhang si Doray, isang babaeng bayaran, masasabi kong ang ganitong uri ng panitikan ay napapabilang sa Teoryang Feminismo-Markismo. Malinaw na ipinapakita rito ang paraan ng kababaihan sa pagtugon sa suliraning kanyang kinakaharap. Kagaya ng ginawa ni Doray, ang prostitusyon ang kanyang solusyon bilang tuwirang tugon sa suliraning dinaranas sa halip na itoy kasamaan at suliranin ng lipunan.




Teoryang Arkitaypal

"Gapo"

ni Lualhati T. Bautista




Natutunan:

         Ang akdang ito ay isang nobela na isinulat ni Lualhati Bautista. Ang salitang 'gapo' ay pinaikli lamang sa salitang Olongapo, kung saan naganap ang mga pangyayari sa nobela. Natutunan ko rin na noong panahong ito nagsimula ang pagiging pagkamataas ng mga Amerikano. Kaya nga kapag naririnig natin ang satllitang sundalong puti, ang pumapasok sa ating isipan ay mas nakakalamang sila kaysa sa sundalong Pilipino. Ayon sa mga taga-ulat, ang akdang ito ay napapabilang sa Teoryang Arkitaypal.

Reaksyon:

        Ang akdang Gapo ay angkop sa Teoryang Arkitaypal. Dahil ayon nga sa pananaw ng teoryang ito, gumagamit ito ng modelo o huwaran upang masuri ang elemento ng akda. Ngunit hindi lamang sa iisang teorya napapabilang ang isang akda. Sa aking sariling pananaw, ang akdang ito ay maaari ring mapabilang sa Teoryang Historikal at Realismo. Sapagkat ito ay tumatalakay sa tunay na kaganapan noong panahong ito na naging bahagi rin ng ating kasaysayan.






Teoryang Formalistiko
"Sandaang Damit"
ni Fanny Garcia



Natutunan:

        Ang akdang ito ay isang maikling kuwento na isinulat ni Fanny Garcia. Ito ay tungkol sa isang batang inaapi at inaalipusta ng kanyang mga kaklase dahil siya ay isang mahirap lang. Kaya kalauna'y nagsinungaling siya upang matigil ang pang-aapi sa kanya. Ang mahalagang aral na natutunan ko sa akdang ito ay huwag tayong manlait at mang-api ng kapwa, dapat tratuhin natin sila ng pantay. At hindi tama ang magsinungaling at magpanggap upang tanggapin ng karamihan. Dahil kung sila'y tunay na kaibigan tatanggapin ka nila maging sino ka man-- kung ano ka at hindi kung anong mayroon ka.

Reaksyon:

     Para sa akin, ang akdang ito ay angkop sa Teoryang Formalistiko sapagkat ito aya tuwirang panitikan at hindi na nangangailangan pa ng malalimang pagsusuri at pag-uunawa. Ipinahahayag ng may-akda kung ano ang nais niyang iparating gamit ang kanyang tuwirang panitikan nang walang labis at walang kulang. Hindi ito gumagamit ng anumang imahen o simbolo upang lubos na maunawaan ang akda.







Teoryang Humanismo

"Paalam sa Pagkabata"
ni Nazareno D. Bas






Natutunan:

       Ang natutunan ko sa akdang ito ay ang pagpapatawad at pag-uunawa sa taong nakagawa ng kasalanan. Kahit gaano man kalaki ang nagawang kasalanan ng isang tao sa atin, dapat natin silang patawarin, ang Diyos nga nakapagpapatawad. Ang akdang ito ay napapabilang sa Teoryang Humanismo. Pinagbibigyang-diin dito ang kalakasan at katangian ng isang tao.

Reaksyon:

        Napakaganda ng akdang ito sapagkat ipanakita rito ang pagpapatawad sa kabila ng napakalaking kamaliang nagawa ng isang tao. Kahit napakalaki ng kasalanang nagawa ng babae ay nagawa pa ring magpatawad ng lalaki sa huli upang hindi masira ang kanilang pamilya. Ang akdang ito ay angkop sa Teoryang Humanismo dahil ipinapakita rito na ang tao ang sentro ng mundo. Nagbibigay rin ito ng halaga sa dignidad ng tao kabilang ang kanyang isip at damdamin.









Teoryang Ekspresyunismo

"Caregiver"
ni Chito S. Roño





Natutunan:

        Ang akdang ito ay tungkol sa pangingibang-bansa ng isang guro kung saan ang trabaho niya roon ay isang caregiver. At ng kanyang asawang doktor na nagtatrabaho sa ibang bansa bilang isang nurse aid. Masasalamin ito sa katotohanan na nagaganap sa lipunan. Sa panahon ngayon, marami nang mga Pilipino ang nangingibang-bansa upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Kahit may marangal na trabaho naman dito ay mas pinipili pa rin nila na sa ibang bansa magtrabho kahit isang domestic helper o caregiver basta't mataas ang sahod. Ang akdang ito ay napapabilang sa teoryang Ekspresyunismo.

Reaksyon:

        Para sa akin, ang akdang ito ay angkop sa teoryang Ekpresyunismo. Sa pananaw na ito ay walang pagkabahala ng ipinahahayag ng manunulat ang kanyang kaisipan at nadarama. Kapag narinig natin ang salitang 'caregiver' ay patungkol sa isang alila, katulong, tsimay o sa pinakamababang antas ay tagahugas nga lamang ng puwit ng matatandang pasyente.  May mga tao talagang minamaliit lamang ang isang pagiging caregiver, dapat din natin itong tingnan ng patas gaya ng ibang trabaho dahil marangal naman ito  Sa pelikulang ito, mabubuksan ang nakapikit na kaisipan ng mambabasa o manonood na maling iyon lamang ang papel na ginagampanan ng isang tagapag-alaga.







Teoryang Markismo

"Sandaang Damit"

ni Fanny Garcia


Natutunan:

        Sa akdang ito, ang natununan ko ay ang pagsisinungaling ay isang kamalian, kahit na mabuti ang iyong hangarin kapag idinaan mo sa pagsisinungaling ito pa rin ay mali sa paningin ng tao at sa mata ng Diyos. Ngunit dapat din nating pagtuunan ng pansin ang sitwasyon ng bata sa kwento, ito ang kanyang paraan upang matigil ang pambubuska sa kanya ng kanyang mga kaklase. Ayon sa taga-ulat ang akdang ito napapabilang sa Teoryang Markismo. Makikita naman na may pag-angat ang bata mula sa pambubuska sa kanya ng kanyang mga kaklase sa pamamagitan ng pagsisinungaling.


Reaksyon:

       Sa aking sariling pananaw, hindi Teoryang Markismo ang nangingibabaw sa akdang ito. Dahil hindi ito magandang modelo para sa lahat mambabasa na gamitin ang kasinungalingan para umangat sa buhay. Ang suhestyon ko ay ang akdang ito ay napapabilang sa Teoryang Formalistiko, gaya ng tinalakay sa itaas. Ipinahahatid ng awtor ang kanyang tuwiring pag-iisip sa akda upang mas madali itong maunawaan at malaman ang mensaheng nakapaloob sa akda nang hindi nangangailangan ng malalimang pagsusuri at pag-uunawa. Na kahit ang mga bata ay maiintindihan ang buong kwento sapagkat hindi ito gumagamit ng mga modelo o simbolo.





Teoryang Feminismo

"Nanay Masang sa Calabarzon"
ni Sol F. Juvida


Natutunan:

         Ang akdang ito ay isang maikling kwento kung saan ang pinagtutuunan ng pansin ay ang mga kababaihan. Ang aral na mapupulot sa kuwentong ito ay huwag maliitin ang kakayahan ng mga kababaihan dahil kaya nilang gawin ang makakaya ng isang lalaki.  Nakatuon ang akdang ito sa pagtatanggol ng pangunahing tauhan sa kanilang lupang pansakahan. Malalaman natin kaagad na ang akdang ito ay napapabilang sa Teoryang Feminismo sapagkat ang kababaihan ang binibigyang-pansin dito.

Reaksyon:

        Sa aking pananaw, ang akdang ito ay naangkop sa Teoryang Feminismo. Mapapansin natin sa akda na pinagbibigyang-diin ang kakayahan ng kababaihan na mamuno at ipagtanggol ang sariling karapatan. Nilalayon ng teoryang ito na iangat ang pagtingin ng kababaihan sa lipunan; at upang matanggal ang de-kahong pagtrato sa mga kababaihan. Napakaganda ng akdang ito sapagkat namumulat tayong lahat sa mga kakayahan at kalakasan ng isang baba, lalo na sa panahon ngayon na mayroong diskriminasyon trabaho sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan.







Teoryang Bayograpikal

"Mga Ala-ala ng Isang Mag-aaral sa Maynila"
ni P. Jacinto




Natutunan:

        Ang akdang ito ay isang talaarawan ni Dr. Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda. Ginamit lang niya ang pangalang P. Jacinto bilang panulat-pangalan. Dito niya isinalaysay ang kanyang buhay. Nabanggit niya si Segunda Katigbak na itinago niya sa pangalang 'K'. Si K ang kanyang iniibig ngunit may nagmamay-ari na rito. Kaya wala siyang nagawa upang ipaglaban ang kanyang pag-ibig para kay K kundi ang magparaya para sa ikabubuti ng lahat.

Reaksyon:

     Para sa akin, ang akdang ito ay napapabilang sa Teoryang Bayograpikal. Agad naman nating malalaman ang kinabibilangan ng akdang ito sapagkat ang nakapaloob dito ang ang karanasan at talambuhay ng may-akda. Ang lahat ng mga pangyayari na inilahad sa akda ay napapatungkol sa buhay ng awtor. Sa pamamagitan din nito nagakakaroon tayo ng kaalaman tungkol sa buhay at karanasan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.





Teoryang Imahismo

"Ang Riles sa Tiyan ni Tatay"
ni Eugene Y. Vasco




Natutunan:

        Ang akdang ito ay tungkol sa isang mag-ama. Kung saan ang ama ng bata ay isang construction worker. Ang pamagat ay hindi nangangahulugang mayroong literal na riles ng tren sa tiyan ng ama ng bata, bagkus ito'y nangangahulugang may marka ng operasyon na kaparehas ng hugis ng isang riles ng tren. Ito ay tanda ng pagkamatiisin at kabayanihang ginawa ng isang ama para sa isang taong nangangailangan ng tulong. Dahil dito nakasagip siya ng isang buhay dahil sa tulong na ibinigay niya.

Reaksyon:

         Para sa akin, ang akdang ito napapabilang sa Teoryang Imahismo. Ito ay gumagamit ng imahen o simbolo na sumasagisag sa isang bagay upang hindi tahasang ilarawan ang isang bagay. Angkop na angkop ang akdang ito sa teoryang imahismo sapagkat hindi tahasang ipinahayag ang marka ng opera sa tiyan ng ama sa kwento bagkus ay gumamit ang may-akda ng isang simbolo upang mabigyan ang mga mamababasa na mag-isip kung ano ang nakatagong kahulugan ng mga simbolong kanyang ginamit sa akda. Kabaliktaran naman nito ang teoryang Teoryang Formalistiko kung saan hindi ito gumagamit ng anumang simbolo.





Teoryang Romantisismo

"Sayang na Sayang"
ni Epifanio Gar- Matute






Natutunan:

         Ang akdang ito ay napapatungkol sa panghihinayang ng babae sa pag-ibig ng isang lalaking tunay na umiibig sa kanya. Ang mahalagang aral na makukuha sa kuwento ay huwag sayangin ang pag-ibig ng isang tao lalo na't ito'y dalisay at totoo. Dapat sensitibo rin tayo sa nararamdaman ng ibang tao upang hindi tayo makasakit. At dapat nating pag-isipang mabuti ang gagawing desisyon sa buhay upang hindi magsisi sa huli.

Reaksyon:

         Para sa akin, ang akdang ito ay napapabilang sa Teoryang Romantisismo. Sa teoryang ito, higit na pinapahalagahan ang damdamin ng ibang tao at hindi lamang ang kanyang sarili. Kagaya ng nangyari sa kwento, nakakalungkot isipin na hindi nagkatuluyan ang dalawang dating nag-iibigan dahil sinayang lang iyon ng babae. Kaya ngayon, labis-labis ang kanyang pagsisisi dahil nalaman niyang siya parin ang minamahal ng lalaki ngunit siya ay may asawa na. Kaya hindi na niya pwedeng ipaglaban ang dati nilang pag-iibigan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

My Electronic Portfolio